Sa panahong taliwas, malasakit ang ating lunas

“UNITEAM! UNITY BBM-SARA!”

Hindi magkamayaw ang mga taga-suporta sa paghiyaw, hudyat ng pagtangkilik sa tambalang Marcos-Duterte. Bagaman masugid nang kinikilatis ng mga progresibo ang pabrika ng fake news, walang sugatang kamay ang makapagtatago sa lumalakas na suporta sa tambalang Magnanakaw-Anak ng Berdugo.

Aanhin nga ba naman ang diploma’t track record kung ang pupukaw lang sa puso ng madla ay ang konsepto ng pakkakaisa? Saang debate maitatanong ang mga plataporma kung sapat na ang pagpapa-ikot sa windmill, gaya ng pagpapa-ikot sa mga Pilipino? Madali mang kutayin ang mga alamat ng alamano, isang katotohanan pa rin ang nananaig: tunay at laganap ang mga taong sumusuporta sa tambalang ito.

Sa halos dalawang buwan na natitira bago ang inaabangang halalan, malinaw na hindi na lamang estadistika, babasahin, at mga listahan ng sanggunian ang kailangan sa paghimok ng ~60-64% na mamamayang nakasandig sa kuting, este Tigre ng Norte. Dahil higit sa katotohanan, malasakit ang ating magging susi sa Eleksyon 2022.

Mga taingang kawali

Talamak sa aming lugar ang mga kwentong naghahangad ng pagbabago. Namulat ang aking murang isipan sa pakikisalamuha sa mga manggagawa: mga tsuper na namamasada, mga tinderang humihiyaw, at mga naglalakong maghapong nagbibilad upang sustentuhan ang araw-araw na kabuhayan. Karamihan sa kanila ay nagbabanat ng buto nang mahigit 18 oras. Kung kaya’t ngayong nalalapit ang eleksyon, halong poot at dismaya ang naramdaman nang makita kong nagsabit sila ng mga poster ng tambalang BBM-Sara.

Sa tuwing susubukang kong tanungin ang kanilang pagkiling, hindi naiiwasang magka-inita’t maging sensitibo sa usaping pampolitika. Magpakita ng hiya at utang na loob, sabi ng matatanda. “Respect our opinion,” ika nga.

Mistulang naging taingang kawali ang mga kakilatang minsa’y handang makinig. Ang mga dating nakakausap sa pagtaas ng presyo ng bilihin, kakulangan ng sapat na trabaho, at iba pan suliraning panlipunan ay sukdulang nagbago nang malaman nilang rosas ang aking kinikilingan.

Paulit-ulit kong ginamitan ng rason at ebidensya. Pinabulaanan ang mga salaysay na suportado lamang ng kasinungalingan. Ngunit kung aking patutunayan na ang Batas Militar ay malayo sa “Golden Age” na alaala nito, “brainwashed o pinklawan,” kuno, ang ibabansag sa katotohanan.

Gayunpaman, hindi ako sumuko. Nalaman ko na sa mga pagkakataong gaya nito ay higit pa dapat sa listahan ng mga basahin ang dapat pinaiiral. Gustuhin man nating huwag paniwalaan ang pangunguna ng tambalang mandarambong sa mga sarbey, totoong tao ang mga estadistikang ito. At sa mga panahong mas matimbang ang alingawngaw ng kasinungalingan, hindi dapat hahayaaang matahimik ang dagundong ng katotohanan.

Kung bakit malasakit ang lunas sa patolohiya

Kung hangarin ng bansa’y maging kulay rosas ang bukas, kakailanganing tumagos ang mensahe sa awit na “Roar” at “Umagang kay Ganda.” Dahil sa mga taga-suporta na sintatag ng titanium ang paniniwala, suntok sa buwan na lamang ang asahang magbago ang kanilang isipan sa isang upuan.

Balewala ang lider na tapat at may pinag-aralan kung apelyido lamang ng ama ang magiging basehan sa halalan. Sa halip, kakailanganing mag-abot ng kamay, maski sa mga taong piliit na naghuhugas-kamay. Dahil gaano man kalaki ang pagkakaiba, mahalagang makinig sa mga hinaing upang matukoy ang kanilang kinatatayuan.

Gustuhin man nating manghikayat gamit ng rason at lohika, ang ilang dekada ng suliranin sa edukasyon, hanapbuhay, at kahirapan ay ngayo’y lumilitaw sa balota ng mamamayang Pilipino. Ang anim na taong pandamarambong ang nagtanim sa paniniwalang “disiplina” raw ang kulang sa mga Pilipino, kung kaya’t “kamay na bakal” ang dapat na pinaiiral. Ngunit kung mayroon mang paghahalintulad ang malalamig na mga kamay nina Kian delos Santos at Liliosa Hilao, ito ay ang karahasan at kawalang katarungan na dinanas at patuloy na dinaranas ng mga biktima ng admin at administrasyong Du Marcos.

Ang pagkahulog ng milyon-milyong mga Pilipino sa bangin ng “pagkaka-isa’t pagbabago” ay isang nakababahalang katotohanang kailangang iwasto kung nanaising mapa-abot kamay ang kinabukasang angat ang lahat.

Napakadaling ilarawang lantarang bulag ang mga taga-suporta ng tambalang mandarambong. Napakadaling tuligsain ang mga kasinungalingang kanilang pinaniniwalaan at mag-iwan ng kay-habahabang listahan ng mga basahin. Napakadaling gawing katatawanan ang pulang uniporme at kutyain ang alamat ng alamano. Ngunit ang tunay na pagsubok ay higit sa tunggalian ng Rosas o Pulakundi sa kakayahang mag-abot ng malasakit sa bawat botanteng pinagkaitan ng lunas ng umaalingawngaw na sistema.

Gintong kinakalawang

Nang mapatalsik ang pamilyang Marcos matapos ang makasaysayang 1986 EDSA People Power Revolution, maraming nanalig sa pangakong dala ng demokrasya. Ang mismong pagkaka-isa ng mga mamamayang Pilipino ang siyang nagdala ng bagbabago sa mapanikil na buhay ng Batas Militar. Gayunpaman, ang kalayaang natamo ay kalaunan ring binusabos ng kurapsyon, lugmok na ekonomiya, at lumalalang kaso ng kahirapang malayo sa pangako ng kasarinlan.

Ito ang sentimyentong nililingon ng karamihan sa nakaraan at siya ring dahilan ng pagtangkilik kay AntMan. Bagaman mali, tunay ang mga Pilipinong umaasang maibabalik muli ang “Golden Age” ng Pilipinas. Dagsa ang kwento ng mga paang nawalan ng direksyon matapos lumabas sa kweba ng bangungot. Paano nga ba haharapin ang katotohanan kung ilang taon tayong nasanay sa kadiliman?

Sa bawat paghiyaw ng berde’t pula, BBM at Sara, maririnig ang hanging darating din ang tunay na bagbabago. Sa bawat tarpaulin na isinasabit, makikita ang gustuhing bumangon muli — maka-angat lamang sa kinalalagyan. Sa bawat fake news na pinaniniwalaan, nakatago ang isang taong binigo ng lipunan. Dahil kung ang araw-araw na buhay mo ay walang katiyakan, madaling panghawakan ang iba’t ibang kasingkahulugan ng “pagkakaisa.”

Kung kaya’t pibotal na buksan ang isip at tainga, maski sa mga taong hindi man natin nakasasang-ayon. Dahil mas madalas sa hindi, kung isasantabi ang pananaw sa politika, maaaring iisa lang din ang hangarin natin para sa ating bayan — ang mabuhay sa bukas na hindi aalalahanin kung mayroon pa bang bukas.

Kung kahapon ay lagim, ano ang bukas?

Sa natitirang mga buwan bago ang halalan, mahalangang atin nang ituon ang atensyon sa mga kayang gawin ng isang kandidato – hindi na lamang sa kakulangan ng mga katunggali nito. At sa mga pagkakataong hindi na sapat ang mga numero’t estadistika, gampanin nating makinig upang siguruhing mananaig ang iisang hangarin sa bansa kaysa ang pagkakaiba.

Suriin ang mga karamdamang bumubuhol sa lipunan at maging bahagi ng lunas nito. Dahil sa huli, hindi kailanman magiging sapat ang isang eleksyon upang mabigyang lunas ang mga sakit ng lipunan. Ang tunay na pagpapalaya ay nakasalalay pa rin sa sistematikong rebolusyong pamumunuan ng madla. Kung kaya’t kung sino man ang gustong umupo bilang susunod na pangulo ay dapat may kakayahang pag-isahin ang laganap na tunggalian sa bansa – mapakulay, ideyolohiya, o hangarin.

Ika nga, mas radikal ang magmahal. Radikal ang mamuhay sa kinabukasan kung saan hindi magkalaban, kundi ipinaglalaban ang isa’t isa. Nangangailangan ng mga matang mapagmasid, taingang handang makinig, bibig na lulan ng katotohanan, kamay na handang umakay, at isip na handang umalalay sa mga binigo ng sistema. Dahil kung mayroon mang siwang ng kulay rosas sa natitirang mga buwan, ito ay ang pag-aabot at hindi paglimot ng malasakit sa ating araw-araw na laban. – Rappler.com

Mark Laurenz B. Handayan is a sophomore Public Health student from the University of the Philippine-Manila interested in writing about health inequities, Philippine politics, and gender studies. He is also an advocate of #HealthForAll.

Leave a Comment