[OPINYON] Saan tayo tutungo ngayon?

Tanong sa akin ng maraming kaibigan. Hindi ko alam kung tama ito, pero heto ang plano ko. Napagtanto habang nagrorosaryo kagabi, hatinggabi sa Plaza, kasama ang mga kapwa Bikolano sa Naga:

Una, bibigyan ko ang sarili ko ng panahong damhin ang lahat ng aking nadarama. Magluksa. Magdarasal. Iiyak. Iinom dahil tapos na ang liquor ban. Kakain ng paboritong pagkain. Kakanta. Magpahinga. Magpapasalamat sa mga bagong kaibigang kasamang nangampanya. Kakausapin ang mga kaibigan at ipoproseso ang lahat ng emosyon. Kung kailangan, dudulog sa therapist for mental health. Ngayon ang oras para rito. Dasurb nating lahat ang oras na ito.

Pangalawa, sasama ako sa pagbabantay ng boto. Aabangan ko ang Board of Canvassers at PPCRV vote count. Aantabayanan ko ang payo ng Lawyers for Leni at ng Robredo People’s Council. Makikinig ako sa mga dalubhasa ng eleksyon at istatistika. Aalamin ko kung bakit ang tagal napalitan ng Comelec at ng kumpanya ni Dennis Uy ang mga sirang Vote Counting Machine at SD cards sa maraming presinto, at kung bakit 3 am na ay meron pa ring hindi nakakaboto.

Pangatlo, iahanda ko rin ang aking sarili na tanggapin ang resulta, pagkatapos ng proseso ng PPCRV. Sa aking unang pag-aaral sa mga numero, malaki talaga ang lamang. Malaki ang burden of proof na sabihing may malawakang electoral fraud. Kung Seryoso tayo sa demokratikong pamamahala, ipaglalaban din natin ang mapayapang paglipat ng kapangyarihan, kahit hindi tayo sang-ayon sa resulta, dahil ginagalang natin ang boses ng orya sa isang demokrasya. Hindi tayo magiging tulad ng kabila na sasabihing may pandaraya para lamang sa kanilang makasariling pulitikal na agenda.

Pang-apat, magiging aktibo ako sa pulitika. Palalawakin at palalalimin ko ang tingin ko sa pulitika: makikilahok ako lampas sa eleksyon, mag-oorganisa para sa mga susunod pang eleksyon, isasabuhay ang tunay na pagkakaisa na tao, hindi pulitiko, ang sentro. Pagkakaisa na nakaugat sa pakikiisa, sabi nga ng isang kaibigan.

Aabangan ko ang magiging bagong desisyon ni VP Leni Gerona Robredo matapos ang eleksyon na ito.

Excited ako sa posibilidad na maging gobernador siya ng Camarines Sur ngayong midterms, na tutulay sa dekadang pagkakawatak-watak ng probinsya, na aangat sa buhay ng maraming taga-Camarines Sur.

Excited akong tumulong sa anuman ang magiging pagpapatuloy ng programang Angat Buhay. Igagalang ko ang desisyon ni VP Leni, anuman ito, dahil ang laki na ng ambag niya, at dasurv niya talagang magpahinga. Hehe.

The pink provinces: Where Leni Robredo won

Ang klaro: hindi ko lang iaasa ito kina Leni at Kiko. Dahil sila mismo ang nagsabi na dapat hindi ito tungkol sa kanila. Mas malaki ang movement na ito kaysa isang kandidato lamang, kaysa isang eleksyon.

Ako mismo, magiging aktibo. Mag-uudyok ako ng iba pang kabataan na napukaw sa samahan na ito na tumakbo sa halalan para mas marami tayong kakampi sa midterm elections.

Ako mismo, seryosong ipagdarasal kung ang tawag ba sa akin ay tumakbo sa pulitika, o patuloy na maglingkod sa mga koalisyon tulad ng ginagawa ngayon.

Panlima, itutuloy ang laban sa adbokasiya para sa makataong budget, wastong paggamit ng buwis, malayang impormasyon, at pag-aangat ng dangal ng komyuter at manggagawa sa transportasyon sa Pilipinas.

Ngayon, dahil sa movement na ito, dumami tayo sa hanay. Mas maraming napukaw at handang magsakripisyo at maging aktibo para makamit ang mga hangarin natin bilang isang bayan.

Maraming paraan para makilahok sa demokrasya at makilahok sa pag-aangat ng buhay ng mga kapwa Pilipino. Magiging aktibo ako sa lahat ng ito.

Pang-anim, bibigyan ko ng pagkakataon ang mga bagong halal na opisyal na manungkulan. Magbibigay ng briefing tungkol sa mga isyung pinag-aralan at ipinaglalaban namin. Kung kaya nating mag-organisa ng mga rally at bumuo ng agenda sa mga sektor para sa eleksyon, kayang-kaya rin natin itong gawin ngayong tapos na ang eleksyon.

[OPINION]  On Marcos Jr.'s corruption and accountability

Pero mas mahalaga, babantayan ko ang paggamit nila ng pera ng bayan at paggamit nila ng kapangyarihan.

Panagutin natin sila. Kaya na nating hamunin ang mga bagong halal: subukan pa nilang magnakaw, at makikita nila ang pinagsamang lakas ng taumbayan na napukaw.

Pampito, itutuloy ang tao-sa-tao. Patuloy na makikinig sa mga hinaing ng kapwa Pilipino. Ayaw nating sabihin nilang, “Pumupunta lang naman kayo rito kapag eleksyon.” Palalawakin ang hanay ng mga Pilipinong mulat sa kasaysayan at ipaglalaban ang katotohanan.

Marami akong nararamdaman. Takot. Lungkot. Pangamba. Pakkabigo. Pagluluksa.

Pero ang nangingibabaw: pag-asa. Pagmamahal sa kapwa Pilipino. Pananampalataya sa kapangyarihan ng ordinaryong mamamayan. Determinasyon na maglingkod para baguhin ang bulok na sistema ng pulitika dito sa ating bayan.

Mamahalin ko pa rin ang Pilipinas, nang walang hinihiling na kapalit.

Tuloy ang laban, mga kaibigan. Nagsisimula pa lang tayo. Papunta pa lang tayo sa exciting part. – Rappler.com

Si Ken Abante ay isa sa mga volunteer ng Commuters for Leni Kiko, grupo na lumalaban para maiangat ang dangal ng pagkomyut sa Pilipinas. Patuloy niyang ipaglalaban ang isang gobyernong tapat pagkatapos ng halalang ito.

Leave a Comment